UE Manila, naglabas ng pahayag kaugnay sa mga reaksiyon sa suot na school uniform ni Awra Briguela
Naglabas ng pahayag ang University of the East (UE) Manila kaugnay sa mga reaksiyon sa social media tungkol sa pagsusuot ni Awra Briguela ng uniporme, na nagdulot ng kontrobersiya. Sa kanilang pahayag, itinaguyod ng UE ang kanilang paninindigan laban sa diskriminasyon batay sa kasarian at tiniyak na ang lahat ay may karapatang mag-aral sa isang ligtas at inklusibong kapaligiran.
Binanggit nila na ang mga miyembro ng LGBTQIA+ ay iginagalang at pinapayagan ang mga estudyanteng magsuot ng uniporme na naayon sa kanilang kagustuhan basta’t ito ay may pahintulot mula sa Student Affairs Office (SAO). Sa kabila ng mga negatibong komento na nagmula sa ilan, binigyang-diin ng UE na hindi maaring maging dahilan ang kakulangan sa kaalaman upang ipagtanggol ang mga mapanlait na pahayag na umaatake sa pagkatao, pagkakakilanlan, o sariling pagpapahayag ng iba.
Pinatibay ng University Student Council at ng iba pang grupo ng estudyante ang kanilang dedikasyon sa paglikha ng mas ligtas at mas inklusibong kapaligiran para sa lahat ng estudyante.
Si Awra Briguela ay unang nakilala matapos mag-viral sa social media ang kanyang videos. Kasunod nito nakapasok siya sa mundo ng showbiz sa tulong nina Vice Ganda at Coco Martin na nagbigay sa kanya ng mga magagandang oportunidad sa mundo ng showbiz. Naging bahagi siya ng FPJ's Ang Probinsiyano at mga pelikula ni Vice Ganda kagaya ng The Super Parental Guardians.