Cristy Fermin, talo sa five counts ng libel na sinampa ng mag-asawang Sharon at Kiko Pangilinan



Ibinunyag ng beteranang personalidad sa showbiz na si Cristy Fermin na natalo siya sa limang kaso ng libel na isinampa laban sa kanya ng mag-asawang Sharon Cuneta at dating senador na si Francis "Kiko" Pangilinan. Sa kanyang online show na "Cristy Ferminute," ipinahayag ni Cristy na natanggap niya ang liham ngayong araw, Oktubre 17, at agad siyang nagbayad ng piyansa.


"Talo po ako sa five counts ng libel, at ang sabi nga natin, inflation is real," ani Cristy. "Hindi lamang po mga bilihin ang tumataas ngayon. Ilang taon na po ang nakakaraan, nag-bail lang po ako ng P10,000 para sa isang kaso ng libel. Ngayon po, P48,000 na po per count ang bail."


Aminado si Cristy na emosyonal at nalungkot siya matapos matanggap ang balita. "Siyempre, wala namang pagkabigo sa laban na masaya," dagdag pa niya.


Pinasalamatan din ni Cristy ang kanyang mga tagasuporta sa laban niyang ito laban sa kasong libel. "Sa mga nag-aalala at nakikisimpatya sa inyong lingkod, 'wag po. Unang hakbang pa lamang ito sa piskalya. Aakyat po ito ngayon sa Regional Trial Court (RTC) Makati. Kung ano po ang maganap sa pagdinig dito, mayroon pa po tayong Court of Appeals. 'Pag hindi pa rin po natin nakuha ang tagumpay, mayroon pa rin pong kataas-taasang hukuman, ang Supreme Court."