Anim na pulis, sinibak sa pwesto matapos masangkot sa pambubugbog ng estudyante
Ayon sa ulat ng News 5, sinibak sa pwesto ang anim na pulis matapos masangkot sa umano'y pagmamaltrato sa isang criminology student. Ayon kay Police Colonel Dyan Agustin, Officer-in-Charge ng LLCPO, inatasan na niya ang Criminal Investigation and Detective Management Unit upang tukuyin ang mga pulis na sangkot sa insidente na nangyari noong Biyernes, Oktubre 4, 2024.
Batay sa post ng isang netizen na nagpakilalang tiyuhin ng biktima, pinasok umano ng mga magnanakaw ang bahay na pinagmamasid ng criminology student na nagtatrabaho bilang caretaker. Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumabas na ang pamangkin niya ang pinaghihinalaang may kinalaman sa nasabing pagnanakaw.
Mariing itinanggi ng criminology student ang lahat ng paratang, ngunit ayon sa salaysay, ikinagalit ito ng mga pulis at sinimulan siyang bugbugin. Matapos ang insidente, pinakawalan din ang biktima.
Dahil dito, nanawagan ang netizen kay Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan upang aksyunan ang pangyayari.
Ayon kay Col. Agustin, nabasa niya ang post sa social media at nakakita siya ng sapat na batayan upang imbestigahan ang insidente. Nangako rin siya ng isang patas at masusing imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang nasabing kaso.