Henry Omaga-Diaz, nagpaalam na sa TV Patrol matapos ang mahigit 30 taon sa ABS-CBN



Matapos ang mahigit tatlong dekadang serbisyo sa ABS-CBN, nagpaalam na si veteran TV anchor Henry Omaga-Diaz sa kanyang mga kasamahan at tagasubaybay sa "TV Patrol" noong Biyernes. Sa huling episode ng newscast, inanunsyo ni Omaga-Diaz na siya ay magsisimula ng bagong kabanata ng kanyang buhay sa ibang bansa.


Sa pagtatapos ng programa, inilahad ni Omaga-Diaz kung gaano niya mami-miss ang kanyang ABS-CBN family, partikular na si Kabayan Noli de Castro at Karen Davila, na kanyang mga kapwa anchor. Ibinahagi niya ang mga masasayang alaala ng kanilang mga kwentuhan at tawanan sa likod ng kamera.


Nagpasalamat din si Omaga-Diaz sa dedikasyon at sipag ng mga kasamahan sa ABS-CBN newsroom. Binanggit niya ang kanilang walang sawang suporta mula sa pag-edit ng script hanggang sa pagpapahayag ng kanilang pagmamahal sa kanya.


Nagbigay naman ng mensahe ang kanyang co-anchor na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo, na nagsabing, "Respeto, saludo sa priorities mo. Iyakap mo na lang kami sa pamilya mo. Idol."


Samantala, pinuri rin ni Karen Davila si Omaga-Diaz, at sinabi niyang siya ay isang "living example" dahil sa kanyang kababaang-loob at kabaitan, on at off camera.


Sa kanyang pamamaalam, nagpasalamat si Omaga-Diaz sa mga boss ng ABS-CBN, partikular kina Sir Carlo Katigbak, Mark Lopez, Tita Cory Vidanes, at Ging Reyes, para sa kanilang suporta.


Si Omaga-Diaz ay nagsimula bilang Radyo Patrol reporter bago lumipat sa telebisyon, at naging bahagi ng mga makabuluhang programa tulad ng "Hoy Gising!," "Magandang Gabi... Bayan," at "Exklusibong, Explosibong, Expose." Isa rin siya sa mga naghatid ng mga investigative reports na naglalantad ng mga katiwalian sa gobyerno at nagtatanggol sa mga nasa laylayan ng lipunan.


Matapos ang mahabang panahon ng paglilingkod, mag-uumpisa si Omaga-Diaz ng bagong yugto sa kanyang buhay sa Canada.