Bianca inuurot na magsalita laban kay Toni, pero di bumigay: Hindi lang sabay-sabay, kundi sama-sama tayong aangat



Hindi nagbitiw ng kahit anong masamang salita ang Kapamilya TV host na si Bianca Gonzalez laban sa kaibigan niyang si Toni Gonzaga sa nakaraang campaign rally ni Vice President Leni Robredo sa Pasay City.


Marami kasi ang nang-uurot sa bagong main host ng “Pinoy Big Brother” sa ABS-CBN na magbigay ng reaksyon sa pagpanig ni Toni sa partido ni dating Sen. Bongbong Marcos ngayong panahon ng eleksyon.


Naging hot topic sa social media at sa apat na sulok ng kashowbizan ang pagre-resign ni Toni sa “PBB” after 16 years matapos nga niyang iendorso ang kandidatura ni Bongbong sa pagkapangulo ngayong Eleksyon 2022. Si Bianca nga ang pumalit sa kanya.




At sa pagdalo at unang pagsampa ni Bianca sa stage ng campaign rally ng tambalang nina VP Leni at Sen. Kiko Pangilinan last Saturday ay may mga Kakampinks na biglang nagsisigaw at paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ni Toni.


Pero walang narinig na paninira o panlalait ang mga tao mula kay Bianca laban sa kanyang kaibigan kahit magkaiba ngang partido ang pinili silang suportahan.


“Aminin natin, real talk tayo, lahat tayo merong kakilala, kamag-anak, o kaibigan na iba ang sinusuportahan.


“At ang katotohanan na ‘yan, ganoon talaga kapag demokrasya. Malaya tayong suportahan kung sino ang gusto natin,” pahayag ni Bianca.


Kasunod nito, ibinahagi nga niya ang mga dahilan kung bakit si VP Leni ang napili niyang suportahan, “Siya ang magbibigay ng halaga sa kalayaan na ipinaglaban ng mga nauna sa atin.


“Hindi madaling nakuha ‘yung kalayaan na bumoto, na pumili. Hindi madaling nakuha ‘yan. Sakripisyo, dugo, luha, pawis ng mga nauna sa atin,” dagdag ng TV host.


“Hindi lang sabay-sabay, kundi sama-sama tayong iaangat,” ang sabi pa ni Bianca na may konek sa viral performance at dialogue ni Toni sa isang Marcos rally.


Sabi pa niya sa panayam ng ABS-CBN, “Noong iniisip ko kung ano ‘yung sasabibin ko, lahat naman ng nandito alam natin na for Leni tayo. So sabi ko, siguro ang maiaambag ko, isang mensahe para sa mga hindi pa desidido, o ‘yung mga puwede pang magbago ang isip.




“Like I said earlier, iyon talaga ang demokrasya, e, libre talaga tayo na piliin kung sino ang gusto natin. I think ang importante is natin ‘yung pinaka bibigyang-halaga ‘yung demokrasya na ‘yun,” chika pa niya.


Wala ring binanggit si Bianca kung ano ang estado ng friendship nila ngayon ni Toni at kung nag-uusap pa rin sila sa kabila ng pagkakaiba ng political stand.


Samantala, matagal na raw niyang gustong sumali sa mga campaign rally, pero hindi niya magawa dahil sa kanyang mga trabaho.


“Sobrang tagal ko nang gusto um-attend ng rally, pero dahil sa trabaho, talagang mahirap ‘yung schedule. So finally, nakapagpaalam at pinayagan at nakapag-ambag para kay VP Leni.


“Masaya, kasi iba ‘yung online, iba ‘yung kasama ‘yung mga tao talaga. Hindi matatawaran ‘yung ambag ng mga tao, pagkain, time, energy, talent, lahat. Lahat walang kapalit,” dugtong pa ni Bianca.