Hidilyn Diaz, 3 gold medal ang nasungkit sa 2022 World Weightlifting Championships



Muli na namang gumawa ng ingay ang pangalan ni Hidilyn Diaz sa weightlifting matapos nitong magwagi sa 2022 World Weightlifting Championships.


Nalaman ng Trending Bytes na nasungkit ni Hidilyn ang tatlong gintong medalya sa women’s 55kg ng nasabing paligsahan.


Matatandaang naging puspusan ang pag-eensayo ni Hidilyn para rito matapos niyang makamit ang makasaysayang pagkapanalo niya ng gold medal sa 2020 Tokyo Olympics.


Ayon sa ulat ng News 5, dinomina ni Hidilyn ang World Weightlifting Championships ngayonng taon na ginanap sa Bogota, Colombia matapos na makuha lahat ang unang karangalan sa buong tournament.




Ang 2022 World Weightlifting Championships ay unang naiplano na isagawa sa China. Subalit dahil sa COVID-19 na labis na bumago sa mga kaganapan sa buong mundo, napagdesisyunan na gawin ito sa Colombia.


Ito ang unang pagkakataon na maging host country ang Colombia sa nasabing paligsahan.


Si Hidilyn Francisco Diaz ay isang Pinay weightlifter na unang nakasungkit ng gintong medalya para sa bansa sa Olympics. Sumali siya sa 2008 Summer Olympics kung saan siya ang pinakabatang kalahok sa women's 58-kg category. Naging bronze medalist din siya sa 2007 SEA Games sa Thailand at nakuha niya ang 10th place sa 2006 Asian Games sa 53-kilogram category.